Sunday, January 30, 2011

Ang Pagtakas, Part 1

Ang init. Tumatagaktak na ang pawis ko habang naghihintay ng bus. Sabi nung ale sa ticket booth, mayamaya pa daw ang susunod na byahe.


Inalok nya ako ng mas maagang bus, pero sabi ko, hindi naman ako nagmamadali. Mahaba na din kasi yung pila sa likod ko, malamang, may nagmamadali sa mga yun.


Bawal manigarilyo, sabi nung karatula sa pader. Kungsabagay, may pagasulinahan sa may sulok. Dahil ayaw ko naman mandamay, binuhat ko nalang uli ang mabigat kong bag at lumabas ng terminal. Dun na ako nagsindi at naghintay.


Bakit ko nga ba di kinuha yung mas maagang bus? Natawa ako. “Hindi,” sabi ko sa sarili ko. Hindi lang talaga ako nagmamadali.


Makalipas ang ilang minuto, nagrereklamo na ang balikat ko sa bigat ng bag kaya pumasok na uli ako. Sakto, dumating na pala ang bus ko.


Nakapila na agad ang mga tao sa harap ng bus at ilang sandali pa ay nakaupo na ako sa may harap, malapit sa pinto. Mukhang makakaalis na kami agad.


Medyo mabagal ang trapik, kaya binuksan ko ang MP4 ko at pinasak ang earphones sa magkabilang tenga. No offense, manong drayber at manong kunduktor, pero hindi ko trip ang istasyon nyo ng radyo. Baka bago pa tayo dumating sa destinasyon natin eh tumalon na ako dahil sa senti nyong mga kanta.


Tumingin ako sa bintana at naghanap ng mga nakakatawang karatula para malibang ang utak ko, pero hindi gaanong epektibo. Dati pag gabi at sa mga oras na mag-isa ako lang ‘to lumalabas, pero mukhang hindi ko matatakasan ang pag-iisip ngayon. Tinignan ko ang cellphone ko at napabugtong-hininga. Anim na oras pa ang byaheng ito. 


Paalis. Palayo sa mga matayog na building at maingay na mga sasakyan. Kung tutuusin, pwede mo ring sabihing tumatakas ako. Palayo sa ‘yo.

No comments:

Post a Comment

I have moved! Find the new blog here.