Parang akong tanga, tumitingin pa rin ako sa cellphone ko kahit alam kong walang signal. Ito na nga ata ang sinasabi nila na kawalan ng closure. At syempre, dahil nagpapakaengot na rin naman ako, nilubos lubos ko na.
Pag nagkita kaya tayo ulit, maaalala mong allergic ako sa tuna? Alam mo pa rin kaya kung pano ako gisingin nang hindi kita mabubulyawan? Tatawagan mo pa rin kaya ako ng alas dos ng madaling araw para lang magyosi at magkape sa tapat ng bahay nyo?
Napansin kong pasulyap sulyap sa salamin si manong drayber at kahit yung magkasintahan sa may katabing upuan ay tumigil sa pag-uusap. Biglang naging interesante ang pagnguya ng kambing sa labas ng bintana. Ako, umiiyak? Hindi no, napuwing lang ako.
Alam kong pinagtatawanan na ako ng kung sino mang nagsusulat ng telenovela ng buhay ko. Kung sa bagay, kung ako ang nanonood ng ganitong klaseng telenovela, binabato ko na ng popcorn ang screen at sinisigawan ang bida ng “Ba’t ang tanga tanga mo?”
Natawa na lang ako. Yung klase ng tawa kapag wala namang nakakatawa.
Ako ang umalis, pero ako parin yung naiwan.
No comments:
Post a Comment