Tuesday, February 1, 2011

Ang Pagtakas, Part 3

Nang bumalik ang lumilipad kong utak, may nagsasalita sa tabi ko. Ilang segundo pa at may kumakalabit na sa ‘kin. Parang may humablot sa kwelyo ko at hinaltak ako pabalik sa bus.


“Miss, ticket.” Sa itsura ng kunduktor, mukhang kanina pa nya sinusubukang tawagin ang atensyon ko.


1. 2. 3. 4. 5. Nun lang rumehistro ang sinasabi ni manong kunduktor. Medyo napabikwas ako at binuksan ko ang bulsa ng bag kung nasaan ang ticket ko. Maling bulsa, tingin sa kabila. Buti nalang medyo mahaba-haba ang pasensya ni manong.


Nung inabot ko sa kanya ang kapirasong papel, napangiti sya at sinabing, “Mukhang madami kang iniisip, ma’am.”


Marami akong kaibigan na susungitan ang medyo psychic na kunduktor na iyon, pero dahil ako ito, okay lang. Ngumiti na lang din ako at sumagot, “Hindi, kuya. Wala lang pong tulog.”


“Ah, ganun ba.”


Pinagmasdan ko habang ginagawa ni manong kunduktor ang ticket ko para sa bus. Hawak ang maliit na puncher, mabilis nyang binutasan ang ticket. Dalawang kopya. Pinunit nya at inabot sa ‘kin ang isang mala-resibong piraso ng papel na nagsasaad kung magkano ang pamasahe at gaano kalayo ang pupuntahan ko.


Gaano ba kalayo ang “far enough”?

No comments:

Post a Comment

I have moved! Find the new blog here.