Wednesday, February 2, 2011

Ang Pagtakas, Part 4

Alam kong tatawaging akong Diether Ocampo ng mga kaibigan kong fluent sa gayspeak. Oo na, bitter na kung bitter. Sa tingin ko may karapatan akong maging ganun, katulad ng pagkakaroon ko ng karapatang maging cynical at sarcastic. Idagdag na rin siguro ang karapatan ko to self flagellation.


Habang lumilipad nanaman ang isip ko, nag-iba na ang view sa bintana. Pinalitan ng mga bukid at ilog ang buildings at shops sa tabing daan. Bigla kong naalala ang sinasabi mo pag nakakakita ka ng bukirin. “Endangered species na talaga ang mga taniman.”


Napansin kong binibilot ko pala yung ticket sa kamay ko. Akalain mo yun, sa isang lugar na walang nakakakilala sa ‘yo at sa akin at walang nakakaalam ng nangyari sa ‘ting dalawa kundi ako, eh meron pa rin talagang mga bagay na nagpapaalala sa ‘kin na you do exist, somewhere out there.


Hay, wala na talaga. Binayaan ko nang bumuhos ang sandamukal na alaala. Nakakainis, wala talaga akong binatbat sa ‘yo. Parang nang-aasar pa ang mga inosenteng bagay, tulad ng bakanteng upuan sa tabi ko at ang nananahimik kong cellphone. Sumagi sa utak ko na manghila ng isang tao sa likod para tumabi sa ‘kin, para lang di ko maimagine na nakaupo ka sa tabi ko at nakasakay tayo sa bus galing Lawton.


Napabugtong hininga na lang ako. Sa dami ng mga byaheng magkasama tayo, alam mo na ang obsessive compulsive kong pagtupi at pagbilot sa bus tickets. Dati, inaabot mo na agad sakin ang ticket mo. At dati, wala kang pakialam kung may aleng nakatingin sa ‘tin dahil nakadantay ang ulo mo sa balikat ko at hinawakan mo ang kamay ko. 


Andami rin nating mga napag-usapang sa mga bus na yun. Ang pagsusulat ko, ang mahirap mong labor subject, yung magboyfriend na nag-aaway sa Dapitan, at marami pang iba. Konti na lang naaalala ko, pero kung tutuusin, masyado pa ring madami yun for my own good.


Naaalala mo nung sinubukan kong mag varsity ng basketball nung college? Natanggap namang akong maglaro para sa college natin, pero nung naramdaman ko na ang mga balya at nakita ang mga pasa, narealize ko na wala akong binatbat sa mga players na kahit singtangkad ko ay mas malaki pa rin sakin. Ang weird, ibang klase ang mga epiphany at realizations nung mga panahong yun. Kung tutuusin, applicable pa din ang mga yun hanggang ngayon.


Mahal ko ang basketball, pero sabi ko nga sa ‘yo sa bus pauwi pagkatapos ng isang praktis, “Ayoko na’ng maglaro.”


Ayoko na’ng maglaro.

No comments:

Post a Comment

I have moved! Find the new blog here.