hindi ko alam kung bakit ayaw matanggal nyang pangungusap na yan sa utak ko, hindi ko din alam kung san sya galing, pero alam kong totoo sya. sana bobo na lang ako sa math.
pero bakit nga ba gugustuhin kong maging tanga sa isang subject na kahit hindi lahat ng aspeto ay nakakatulong sa normal na buhay (if train a leaves the blah station at x speed at 10:45pm EST and train b leaves the blah blah station at y speed at 4:21AM PST, at what point will this question make sense to you?) ay nagagamit pa din naman lalo na pag nagcocompute ka ng bill sa restaurant at unti-unti mong narerealize kung gano kaholdap ang presyo ng beer.
may nagsabi sakin dati - o nabasa ko to kung san - na pag deficient ka sa isang bagay, sa ibang bagay napupunta ang skill points na para dun. siguro naiisip ko na meron akong ibang maayos na paglalagyan ng skill points ko sa math. o siguro naiisip ko na mas okay sanang naging cute na lang ako kesa marunong sa math. diba parang mas okay pakinggan ang “bobo sya sa math, pero cute sya” kesa sa “hindi sya cute, pero magaling sya sa math”?
pero ayun. pede ko din ilagay yung math skill points sa pasensya, o sa better judgement at madami pang iba. kung tutuusin, mas makikinabang ako kung sa pagpapasya na nga lang sya napunta, o sa pagtitimpi.
teka. parang naligaw na ako sa punto. (cue: celine dion. it’s all coming back, it’s all coming back to me now~) oo, sana bobo na lang ako sa math, pero wala akong magagawa. hindi ko sya mapapalitan. walang customer service center si batman na pwedeng magpaskill point reset, at wala din akong magandang rason na maibibigay kung meron man.
may magandang puntong inihain ang paborito kong pilosopo na si mariebelle. isasadula natin sya para masaya:
“gusto ko po sanang ipagpalit ang math para maging cute.”
“ha? bakit? ayaw mo nun, hindi ka magsusummer classes sa geometry, algebra o physics, at hindi ka din madadaya sa suklian.”
“kasi pag cute ako, pede akong magpacompute sa iba. pero pag magaling ako sa math, ako na nga magcocompute, wala pang cute sa equation.”
kung tutuusin, praktikal nga naman na argumento yun. kung cute ka, mas madaling gawan ng paraan ang mga bagay bagay. pero ayun nga, kung di ka pinalad sa genetic russian roulette na yun, anong gagawin mo? magpapacute? aastang cute? parang hindi magandang solusyon para sakin yun.
akina yung bill, ako na magcocompute.